Mga Pahina

Martes, Mayo 5, 2015

Tanikala 4 "Tadhana"



Chapter 4 "Tadhana"
“The best way to find out if you can trust somebody is to trust them.” ― Ernest Hemingway
***

Kinabukasan ay pumasok ako at pagkapasok na pagkapasok ko sa aming silid aralan ay bumungad agad sa aking paningin si Harold at si Shane, halatang nagkakasiyahan at tila nagkakapanatagan ng loob. Sa totoo lang eh talaga namang bagay sila dahil pareho silang may itsura at kung tutuusin ay para silang prinsepe't prinsesa pero ako? Isang hamak na kawal lang na nag-aantay na maambunan ng biyaya. Nung oras na iyon ay parang gusto kong tumakbo at magpakalayo layo. Hindi ko alam kung bakit pero parang naramdaman ko na para bang naapi ako o kaawa awa ang aking sarili. Pero syempre hindi ko nagawang tumakbo dahil baka magtaka pa sila kung bakit ganoon ang aking inasta. Kaya't pagkapasok ko ay naghanap ako ng upuang malayo sa kanila. Nung makaupo na ako ay medyo nainis ako kay Kuya Harold dahil hindi man lang ako binati o kinumusta. Hindi tulad noon na laging nasa akin ang atensyon niya at ako ang madalas na kasama niya.

"Ngayon na may nililigawan na siya kinalimutan agad ako! Hindi man lang niya inalam yung nararamdaman ko. Hindi tulad noon na kapag sinabing ayoko eh titigilan niya na agad. Iba na talaga siya! Nakakainis." pabulong na pagmumukmok ko habang nakatingin kay Kuya Harold.

"Ang bigat sa pakiramdam kapag nakita mong may ibang mahal ang taong mahal mo noh?" wika ng aking katabi at tila pinariringgan ako. Nilingon ko ang aking katabi at napansin kong sa akin nga siya nakatingin.

"Ako ba ang sinasabihan mo?" sambit ko sabay turo sa aking sarili.

"Ay obvious pala!? Akala ko kasi may iba pang nagmumukmok dito." pambabara nito sa akin kasabay ang pagtawa. Tila nainis ako sa kanyang inasta kaya nilapitan ko siya at hinawakan ang kanyang kwelyo kasabay ang kamay na handa na sanang sumuntok ngunit bigla akong napatigil sa aking gagawin nang biglang maalala ko noon na ako dati ang laging inaapi ngunit ngayon wala na rin akong ipinagkaiba sa kanila.

"Hindi mo kaya noh!? Hindi mo naman kasi gawain ang manakit ng iyong kapwa. Alam kong katulad mo ako. Inilikha upang magmahal at mapagbigay. Alam kong hindi iyan ang katauhang gusto mo. Alam kong gusto mong lumaya sa hawla mo at lumipad na tila walang iniintinding panganib." litanya nito sa akin at tila naapektohan ako sa kanyang sinabi ngunit nagmatigas ako at isinawalang bahala ang kanyang mga ibinigkas.

"Ako si Romeo pero pwede mo akong tawaging Juliet! Yan kasi ang pangalan ko sa gabi. Hehe" saad nito sabay alok ng kanyang kamay ngunit hindi ko iyon tinanggap dahil naiilang ako sa kanya dahil isa siyang bakla. Para bang nandidiri ako sa mga katulad niya. Pakiramdam ko'y pagsasamantalahan ako o di kaya'y iimpluwensiyahan upang maging katulad nila.

Pero nagbago ang lahat ng aking pananaw tungkol sa mga 'bakla' nung maging malapit kami sa isa't isa ni Romeo. Nung panahon kasi na hindi ko masyadong nakakasama si Kuya Harold ay si Romeo ang lagi kong takbuhan tuwing may problema ako. Sa kanya ko naipapalabas ang lahat ng sama ng loob ko at maging ang aking mga problema. Doon ko lang napagtanto na magaling makinig at magpayo ang mga katulad ni Romeo. Napagalaman ko rin na bukas palad sila sa mga taong nangangailangan at higit sa lahat ay masarap at masaya silang kasama. Para bang pakiramdam mo'y lagi kang nasa comedy bar o di kaya'y nanonood ka ng most funniest video kapag kasama mo sila. Ang akala kong mapagsamantala at masamang tao ay sila pala yung masasabi mong tunay na kaibigan.

Isang linggo ang lumipas. Halos hindi ko na makita ang anino ni Kuya Harold dahil ang lagi niyang kasama ay si Shane. Pakiramdam ko'y tuluyan niya nang sinira ang aming matagal na pagkakaibigan. Pero kahit na nababalewala ako sa mata ni Harold ay napupunan naman iyon ng aking kaibigan na si Romeo. Wala pang isang linggo ang aming pagkakaibigan ngunit pakiramdam ko'y matagal na kaming magkasama. Halos araw araw kasi ay kasama ko siya. Ka-kuwentuhan, kakulitan, at maging sa lamunan ay siya ang aking kasama.


Isang araw ay habang nasa bahay ako at nag-aaral ay biglang may kumatok sa aking kuwarto. Nung buksan ko iyon ay akala ko si Romeo dahil inimbitahan ko siya na sabay kaming mag-aral ngunit hindi ko inaasahan na makikita ko si Kuya Harold.

Halata sa kanyang mukha na tila may problema at dinadamdam. Alam kong galit ako sa kanya dahil para bang nawalan siya ng oras sa akin. Oo alam ko namang hindi niya responsibilidad ang samahan ako at magkaroon ng oras para sa akin pero ang ikinaiinis ko lang ay simula ng makilala at mapalapit siya kay Shane ay tila nawala ako na para bang isang bula. Pero nang makita ko siya ngayong malungkot ay hindi ko maiwasang iwaglit sa aking isipan na galit ako sa kanya.

"Ohh Harold may problema ba?" wika ko at sinadya ko talagang huwag siyang tawaging kuya dahil para bang naiilang na ako sa kanya.

"Ah Eh? Pwede ba akong humingi sayo ng pabor?" nahihiyang ani nito at hindi magawang makatingin sa aking mga mata.

Gustuhin ko mang tumanggi ngunit ang lumabas sa aking bibig ay "Sige, oo! Pwedeng pwede!" pagkasabi ko ng linyang iyon ay halata ang biglaang pagsaya nito at tila nagkabuhay ang malungkot na mukha nito.

"Talaga tol!?" masayang sambit nito sa akin. Isang tango lang aking isinagot at agad ako nitong niyakap.

"Ano ba yung pabor mo at kailangan mo pa ng tulong ko?" tanong ko.

"Gusto ko sanang magpatulong na ligawan ko si Shane. Pwede ba tol?" sagot nito at para bang may biglang sumampal sa aking mukha sa kanyang mga sinabi. Kung kanina'y nawaglit sa aking isipan na may galit ako sa kanya ngayon ay para bang bigla itong bumalik.

"Bakit ako? At ano naman ang kinalaman ko sa ligaw ligaw na yan?" mataray na saad ko at medyo napataas ang tono ng pananalita.

"Hindi kasi ako marunong manligaw at isa pa'y alam kong magaling ka sa mga ayaw at gusto ng mga babae diba?" sambit ni Harold.

Gustuhin ko man na huwag tulungan si Harold dahil unang una'y alam kong masasaktan ako kapag nagkatuluyan sila at syempre mas lalong mawawalan ng oras para sa akin si Harold. Pero ano ba ang magagawa ko kundi ang tulungan ang aking kaibigan sa kabila ng sakit at pighating aking madarama. Siguro ganon naman talaga kapag mahal mo ang isang tao, gagawin mo ang lahat makita mo lang siyang nakangiti at masaya kahit na nasasaktan ka na.

"Oo na! Payag na ako." pagpayag ko kahit na alam kong sa huli ay ako rin ang masasaktan.

"Oo? Means yes?" paguulit ni Harold sa aking sinabi. Tumango ako bilang pagtugon at nagulat ako sa sumunod na nangyari. Niyakap ako ni Kuya Harold sabay binuhat na parang bagong kasal at pagkatapos ay inihagis niya ako sa kama at bigla akong nagulat nang makita kong na-out of balance si Kuya Harold at biglang napadagan sa akin. Biglang nagtama ang aming mga tingin at muntik niya na akong mahalikan. Para bang yung mga napapanood sa mga teleserye na parehong nagkakatitigan at sabay nagkahalikan yung dalawang bida. Pero sa puntong ito hindi pwedeng mangyari sa amin iyon dahil pareho kaming lalake.

Hindi ko alam ang gagawin sa oras na iyon. Para bang biglang nagslow-mo ang lahat. Ramdam ko rin ang sabay na pagtibok ng aming puso at amoy ko rin ang bango ng hiningang lumalabas sa mapupulang labi ni Kuya Harold. Hindi ko rin maiwasang hindi mapatingin sa mga mapang-akit na mata ni Kuya Harold.

"Ah...Eh... K-kuyaaa Harold... Ang bigat mo." mahinang sambit ko at pilit na inalalayo ko si Kuya Harold. Unti unti kong tinulak ang kanyang katawan gamit ang aking kamay ngunit masyadong mabigat si Kuya Harold. Nanatili pa ring nakatitig si Kuya Harold sa aking mata at tila wala sa sarili.

"Kuya.... Uhhhhm..." mahinang ungol ko nang labis kong maramdaman ang bigat ng katawan ni Kuya Harold. Maya-maya ay tila bumalik sa wisyo si Kuya Harold at agad na tumayo upang hindi niya na ako madaganan.

"Ah... Pasensiya na tol. Nabighani kasi ako sa mata mo. Parang matang nangaakit at ngayon ko lang nalaman na iba pala ang kulay ng mata mo." panghihingi ng paumanhin ni Kuya Harold. Napangiti ako sa kanyang sinabi at tila kinilig din.

"Ahh... Eh... Basta tol ha. Tulungan mo ako kay Shane. Wala nang bawian yan ha!" natatarantang wika ni Kuya Harold. Isang matipid na ngiti at tango lang ang aking isinagot sa kanya at tuluyan na siyang umalis.

Nung makaalis na si Kuya Harold ay nagulat ako nung may kumatok ulit sa kwarto ko. Pagkabukas ko ng pinto ay si Romeo pala. Dala ang kanyang bag at tila sabik na sabik sa aming sleep over.

"Hiyeeeh! Beesttyy!" pambungad ng matalik na kaibagan kong si Romeo sabay diretso agad sa aking kama at tila isang bata na nagtatalon talon. 'Besty' ang tawagan namin simula noong maging malapit kami sa isa't isa.

"Hindi ka naman excited niyan Besty?" mangiti ngiting wika ko nang makita ko siyang galak na galak na tumatalon sa aking kama.

"Ano ka ba Besty! Kailangan na nating sulitin yung mga araw na magkasama tayo dahil malapit na matapos ang klase. Malay mo hindi na tayo magka-klase sa susunod na taon." litanya nito sa akin at tila napaisip ako sa kanyang sinabi dahil may mga tanong ako sa aking isipan na gusto kong sabihin sa kanya. Baka mamaya kasi eh hindi na kami magkasama at hindi ko na maitanong sa kanya ang mga bagay na nagpapagulo sa aking isipan. At isa pa'y alam kong mauunawaan rin naman ako nitong kaibagan kong si Romeo. At paniguradong susuportahan niya ako sa mga bagay na alam kong ikasasaya ko.

"Matagal pa yun Besty! At isa pa'y kahit hindi na tayo magka-klase ay magkaibigan pa rin naman tayo. Hindi naman mawawala ang ating pagkakaibigan diba?" ani ko sa kanya at tila napahinto ito sa pagtatalon sa aking kama.

"Yung totoo Besty? May pinagdaraanan ka? May nasi-sense akong problema diyan sa aura mo eh." seryosong wika nito sa akin at doon ko na nga naisipang sabihin ang aking nadarama.

"Oo may problema ako Besty. Actually hindi naman problema pero parang may iba lang akong nararamdaman at hindi ko alam kung normal lang ba iyon o hindi." saad ko at saglitang napahinto at sabay na napa buntong hininga.

"Alam kong normal lang ang ma-inlove sa mga ganitong edad pero ang ipinagtataka ko lang ay labis akong humahanga sa kapwa ko lalaki. Sabihin mo nga sa akin Besty. Normal lang ba yung nararamdaman ko?" pagpapatuloy ko sa aking sinabi at pagtatanong na rin kay Romeo.

"Hindi ko alam ang kasagutan diyan Besty. Pero may nabasa ako sa isang libro na normal lang daw ang makaramdam ng labis na paghanga sa kapwa at mas iigtad pa raw ang paghangang iyan habang tumatanda. Pero sabi rin doon sa libro na kapag labing tatlong taong gulang na ang isang lalaki at nakakaramdam pa rin siya ng labis na paghanga sa isang lalaki ay hindi na raw normal iyon. Malaki raw ang tiyansang maging bisexual ito o di kaya'y tuluyang ma-develop sa pagiging isang sirena o bakla." pagpapaliwanag sa akin ni Romeo at talaga namang naliwanagan ako sa kanyang sinabi. Labis rin akong napahanga sa angking katalinuhan niya at sa pagiging open minded nito.

"Teka maiba ako Besty.Bakit mo pala naitanong yan? Huwag mong sabihing ka-federasyon na kita. Aminin!" nakangiting sambit ni Romeo.

"No way! Hindi ako bakla at kahit kailan hindi ako magiging bakla!" ani ko na medyo napataas ang tono ng pananalita.

"Ang sakit mo naman magsalita Besty! Parang ikinakahiya mo naman ako na maging kaibigan." nakasimangot na wika ni Romeo.

"Hindi naman sa ganoon Bes--" sambit ko ngunit hindi ko naituloy dahil agad siyang nagsalita.

"Tandaan mo Jao. Mararamdaman mo rin ang mga nararamdaman ko balang araw. Malalaman mo rin kung papaano ang magtago sa katauhang hindi mo naman gusto. At makikita mo kung ano talaga ang tingin sayo ng ibang tao kapag ipinakita mo sa kanila ang tunay mong pagkatao." makahulugang litanya sa akin ng matalik kong kaibigan. Sa tinagal tagal na magkaibigan at magkasama kami ni Romeo ay ngayon ko lang siyang nakitang seryoso at tila nasaktan.

"S-sorry na B-besty... Hindi naman masama ang tingin ko sayo eh." paghingi ko ng patawad at pagmamakaawa na rin.
"Choz! Siyempre joke lang yun. Hahaha! Magaling ba akong umarte Besty? Pwede na bang pang best actress?" nakangiting wika nito sa akin at agad akong nakahinga ng maluwag dahil nagbibiro lang pala siya.

"Leche! Ewan ko sayo Romeo!" pagmamaktol ko at tinawag ko talaga siya sa pangalang panglalaki niya.

"Hahaha! Asar talo si Besty! Pero sa totoo lang. Hindi naman talaga big deal ang pagiging isang bakla kapag tanggap mo ang sarili mo at alam mo ang limitasyon mo. Hindi mo naman kailangang magtago sa maskarang hindi mo naman gusto. Dapat lagi mong iisipin na kung saan ka masaya ay doon ka." sambit ni Romeo na lalong nagpabigat sa aking damdamin. Ewan ko ba pero parang may tama ang lahat ng sinasabi ng aking kaibigan. Iyon bang ramdam mo ang kanyang sinasabi.

Dahil bumigat ang aking emosyon sa mga sinasabi ni Romeo ay iniba ko nalang ang aming usapan. Nagkuwentuhan kami buong gabi hanggang sa kami'y antukin.

Alas dos na nung tignan ko sa aking relo ang oras ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makatulog dahil sa mga sinabi sa akin ni Romeo. Paulit-ulit na bumabalik sa aking isipan ang mga makakahulugan niyang wika.

"Tandaan mo Jao. Mararamdaman mo rin ang mga nararamdaman ko balang araw. Malalaman mo rin kung papaano ang magtago sa katauhang hindi mo naman gusto. At makikita mo kung ano talaga ang tingin sayo ng ibang tao kapag ipinakita mo sa kanila ang tunay mong pagkatao."

Hanggang sa napagod ang aking utak sa kakaisip at unti-unti akong nakatulog.

Kinabukasan ay araw ng linggo kaya nung magising ako nang maaga ay inaya ko si Romeo na kami'y magsimba. Nung matapos kaming kumain at maligo ay agad kaming dumiretso sa simbahan. Habang naglalakad kami ni Romeo ay may nahagip ang aking mata. Isang lalaki na biglang nagpatibok ng aking puso. Ewan ko ba kung bakit sa dinami-dami ng tao ay siya ang nahagip ng aking mata.

Bigla nalang akong natauhan at nawala ang atensiyon sa pagtingin sa lalaking aking nasilayan nang bumangga ako sa poste. Napahalakhak ng todo si Romeo at sinabihan pa akong tanga. Hindi ko rin maiwasan na pagtawanan ang aking sarili dahil inaamin ko talagang tanga ako.

"Ano ba ang nangyayari sayo Besty! Hindi uso ang maging tanga sa araw na ito." saad ni Romeo ngunit hindi ko nagawang sumagot sa kanya.

Pagkapasok namin ng simbahan ay naguumpisa na pala ang misa kaya agad kaming naghanap ng upuan. Nung makahanap ng upuan si Romeo ay agad niya akong inaya upang umupo. Nang makaupo na kami ay agad kaming nakinig sa misa ngunit bigla nanaman akong nakaramdam ng pagbilis ng tibok ng puso at pinagpawisan rin ang aking kamay nang makita ko kung sino ang aking katabi. Siya yung lalaking nahagip ng aking mata kanina. Siya yung dahilan kung bakit ako bumangga sa poste.

Sinulyapan ko ito at nakita kong nakapikit at tila taimtim na nagdarasal. Ngayong sa malapitan ko siya nakita ay masasabi kong may angking kagwapuhan ito. Maputi.Matangos ang ilong. May mapupulang labi at may kakapalan rin ang kanyang kilay. Naamoy ko rin ang halimuyak ng kanyang pabango na lalong nagpabilis ng tibok ng aking puso. Ewan ko ba kung bakit nararamdaman ko ang mga bagay na ito. Malayong malayo sa nararamdaman ko para kay Kuya Harold.

Matapos ko siyang sulyapan ay tumingin naman ako sa pari upang hindi makahalata si Romeo na sa iba ako nakatingin. Maya-maya ay nagulat si Romeo nang bigla akong lumuhod at nagdasal. Pero bago pa man ako magdasal ay may nakita akong nakaukit sa upuan at nang basahin ko iyon ay napangiti ako.

"Ito ang araw na nakatadhana ka para sa isang tao." Ito ang nabasa ko bago ko ipikit ang aking mata upang magdasal. Pagkadilat ko at pagkatapos kong magdasal ay banayad sa aking mukha ang labis na saya. Nung maupo akong muli ay nagulat ako dahil wala na ang lalaking katabi ko. Ang lalaking nagpatibok ng aking puso...



Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento