Mga Pahina

Martes, Mayo 5, 2015

Tanikala 5 "Hawla"



Chapter 5 "Hawla"
“You see, you closed your eyes. That was the difference. Sometimes you cannot believe what you see, you have to believe what you feel. And if you are ever going to have other people trust you, you must feel that you can trust them, too--even when you’re in the dark. Even when you’re falling.”  ― Mitch Albom, Tuesdays with Morrie
***
Pagkatapos naming magsimba ni Romeo ay agad kaming naghanap ng makakainan. Pero hindi pa kami nakakalayo sa simbahan ay tila dinala ako ng aking paa sa manghuhula. Nagtaka si Romeo dahil tinungo ko ang lugar kung saan may mga nanghuhula ng kapalaran. Tinanong ako nito kung bakit ako pupunta doon ngunit tila wala akong nadinig sa kanyang sinabi.

"Hijo!Halika huhulaan kita. May kakaiba akong nararamdaman sayo." aya sa akin ng isang matandang babae.

"Ako po?" nagtatakang tanong ko at tinuro ko pa talaga ang aking sarili. Tumango ang matanda at kusa akong lumapit sa kanya upang malaman rin ang aking kapalaran.

Pagkapunta ko sa kanyang pwesto ay agad akong naupo at gayun rin si Romeo na halatang iretable sa aking ikinikilos. Agad na binalasa ng matandang babae ang kanyang mga baraha at pagkatapos niya itong balasahin ay ikinalat niya ito sa mesa.

"Pumili ka ng tatlong baraha Hijo." mahinang boses ng matanda. Sumunod ako sa sinabi niya at pagkatapos kong makapili ay ibinigay ko sa kanya ito.

Pagkaabot ko sa kanya ay agad niyang binuksan ang unang baraha. Nang tignan ko ang matanda ay nakita kong nakangiti ito at tila may magandang balita para sa akin.

"Hijo! May karelasyon ka ba?" simpleng tanong sa akin ng matanda na agad ko namang sinagot ng wala.

"Sinasabi rito sa una mong baraha na su-swertehin ka sa iyong buhay pag-ibig.May isang taong magpapatibok ng iyong puso at mamahalin mo ng husto.Tatanggapin ka nang taong ito at mamahalin ka rin ng wagas. Ibibigay sayo ang lahat at siya rin ang magpapangiti sa iyo sa bawat umaga. Ma-swerte ka dahil malapit na siyang dumating sa buhay mo." pagku-kwento ng matanda sa aking magiging kapalaran. Sa sinabi ng matanda sa akin ay hindi ko naiwasang kiligin dahil tila tugma ito sa aking nararamdaman.

Pagkatapos niyang isalaysay ang unang barahang napili ko ay sinunod niyang buksan ang pangalawang baraha.  Pagkabukas niya ng baraha ay tila nagulat ito.

"Ma-swerte ka talaga Hijo dahil hindi lang sa pag-ibig ang iyong swerte dahil magiging mapalad ka rin sa iyong buhay. Aasenso ka at aangat ang iyong estado ng buhay." wika ng matanda. At pagkatapos niyang sabihin ang pangalawang baraha ay labis akong natuwa dahil bukod sa magiging matagumpay ako sa buhay ay magkakaroon pa ako ng pag-ibig.

"Taray! Ikaw na ang pinagpala Besty!” pagsasalita ni Romeo.

Hindi na nga nagtagal at binuksan na nang matanda ang ikatlong baraha. Nakita ko sa kanyang mukha ang labis na takot. 

"Mabuting umuwi ka na Hijo. Hindi ko na kayang hulaan pa ang kapalaran mo." ani ng matanda at banayad pa rin sa kanyang mukha ang labis na takot at kaba. Nakita ko rin na pinagpapawisan ito at nanginginig ang mga kamay. 

"Hindi ho. Gusto ko ho sanang makita at malaman ang huli kong kapalaran." pagpupumilit ko ngunit nanatili pa ring nakaimik ang matanda at maya-maya ay inaayos na nito ang kanyang mga baraha. 

"UMUWI NA KAYO!!!" matigas at malakas na sigaw sa amin ng matanda. At dahil sa takot na baka ano pa ang mangyari sa matanda ay umalis na kami at iniwan namin siya. Imbes na kakaiin pa sana kami ay napagdesisyunan nalang namin na umuwi nalang.

"Bakit kaya biglang nag-iba ang mood ng lola mo? Kanina lang eh gustong gusto kang hulaan tapos kung kailan huli na ay doon pa yata tinamaan ng topak. Hahaha!" pagbibiro ni Romeo. Napangiti nalang ako sa biro nito ngunit hindi maalis sa aking isipan na bakit kaya ganoon ang inasta ng matandang babae. 

"Ano kaya yung huling kapalaran mo Besty?" pagtatanong ni Romeo sa akin. 

"Hindi ko alam pero kung ano man ang magiging kapalaran ko ay haharapin ko ng buong buo." sambit ko. 

Matapos ang araw na iyon ay hindi pa rin maalis alis sa aking isipan ang mga hula ng matandang babae. Hindi ko rin mapigilang kiligin sa sinabi nitong may tunay na magmamahal sa akin. Ngunit ang ikinakatakot ko eh kung lalaki ba ang sinasabi sa kanyang hula. 

Kinabukasan ay araw ng lunes kaya maaga akong naghanda upang hindi ako mahuli sa aking klase. Habang binabaybay ko ang daan patungo sa aking paaralan ay may natanaw akong isang pamilyar na lalaki. Nakasuot ito ng kulay blue na uniporme at sa tingin ko'y nag-aaral ito sa isang pang-pribadong paaralan. Nung titigan ko itong mabuti ay napagtanto ko na siya rin yung lalaking nakita at nakatabi ko sa simbahan. Yung lalaking nagpabilis ng tibok ng puso ko. Gusto ko sanang lapitan ito ngunit parang may pumipigil sa akin. Para bang may bumubulong sa aking tenga na 'Immoral' ang umibig sa kapwa mo! Hindi mo siya pwedeng mahalin at ibigin. Ngunit kabaliktaran naman ang itinitibok ng aking puso at tila sinasabi nito sa akin na. "Kapag nagmahal ka walang edad, lahi, antas ng pamumuhay at sekswalidad.Dahil kapag nagmahal ka ng totoo, wala kang dapat na hanapin para sa isang tao."

Patawid na sana ako upang puntahan siya ngunit nung pahakbang na ako'y may naramdaman akong humawak sa aking braso at tila pinipigilan ako. Nung nilingon ko ito'y nagulat ako nang makita ko si Kuya Harold. 

"Hindi diyan ang daan papuntang eskwelahan." nakangiting wika nito sa akin. 

"Ah... Eh... May pupuntahan lang sana ako Kuya..." sambit ko sa kanya. 

"Saan ka naman pupunta tol? Mag-aalas siete na oh. Malapit na ang klase natin." mahinahong pagsasalita nito. At para hindi na humaba ang usapan at alam ko rin naman na hindi ko talaga kayang kausapin yung lalaking nakita ko ay nagpatuloy nalang ako sa paglalakad papuntang eskwelahan at tumahimik. 

Habang sabay naming nibaybay ni Kuya Harold ang papuntang eskwelahan ay nagku-kwentuhan kami nito tungkol kay Shane. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maiwasang masaktan kapag ang laging bukang bibig ni Kuya ay si Shane. 

Nung makapasok na kami sa aming eskwelahan ay agad kaming nagpunta sa aming klase. Ang inaakala ko'y makakatabi ko si Kuya Harold ngunit nung kawayan at ngitian siya ni Shane ay parang isang maamong tupa na nagpunta at naupo sa tabi nito. Sa sobrang inis ko ay hindi ko naiwasang mapasimangot at mapakunot ng noo.

Sa loob ng anim na oras naming klase ay si Shane lang ang kausap at kasama ni Kuya Harold. Ni hindi man lang ako malapitan at matanong kung nag-recess na ba ako o nag-review. Para bang multo ako kapag andyan si Shane. Hindi nakikita at nakakausap.

Nung matapos ang klase ay may project na pinagawa sa amin ng aming guro. By partner ito kaya ang naisip kong partner ay si Romeo kahit na wala ito ngayon gawa ng biglaang pagkakasakit. 
Palabas na sana ako ng aming silid aralan ng biglang may tumawag sa akin. At hindi nga ako nagkamali kung kaninong boses iyon. Si Kuya Harold kumakaway at nakangiting nakatingin sa akin. Alam ko na agad ang ibig niyang ipahiwatig nung oras na iyon, gusto niya akong maging ka-partner sa project dahil alam ko namang mahina ito sa mga ganoong bagay.
At dahil sa sobrang inis ko sa kanya ay sinamangutan ko ito at hindi ko siya pinansin ngunit bigla itong tumakbo at nang maabutan niya ako ay inakbayan ako nito na para bang isang normal na kaibigan lang.  

“Tol, tayo nalang ang mag-partner sa project.” Litanya agad nito sa akin. Ngunit sa pagkakakita niya sa akin reaksyon ay tila hindi nito nagustuhan ang aking inasal. Nakabusangot kasi ako.
"Bakit nakasimangot ang utol ko?" pagtatanong nito sabay hawak sa aking baba(chin) at iniharap ang mukha ko sa kanya. Ngunit hindi ko siya kayang titigan kaya iniwas ko ang tingin sa kanya. Nang mapansin ni Kuya Harold na medyo ilang ako sa kanya at ilag ay biglang naging seryoso ito, na para bang mangangain ng buhay na tao. At kapag ganoon ang inaasta ni Kuya Harold ay hindi ko maiwasang kabahan at makaramdam ng takot. Masayahin, mabait at malambing naman talaga si Kuya Harold pero once na maging seryoso ito ay talagang maiihi ka sa kaba. 

"Bakit ka ba nagkakaganyan Jao!?" bulyaw sa akin ni Kuya Harold at tinulak pa ang aking balikat na nagpaurong sa akin. Hindi ako natinag sa kanyang ginawa at hindi ko ininda ang aking takot. 

"Ano Jao! Bakit hindi ka makasagot! May problema ka ba sa akin? Oh dali Jao suntukin mo ako para mawala yang galit mo. Kung yan lang ang paraan upang mawala yang inis at galit mo sa akin. Daliii!" ani ni Kuya Harold at itinapat pa ang kanyang pisngi sa akin at kinuha nito ang isa kong kamay at itinapat sa kanyang mukha upang suntukin ko raw siya. Ngunit pumiglas ako sa pagkakahawak ni Kuya Harold sabay sabing. "Wala akong galit sayo Kuya..." mahinahon at mahinang wika ko. 

"EH BAKIT KA NGA NAGKAKAGANYAN TOL? SABIHIN MO KUNG BAKIT!" bulyaw pa rin sa akin ni Kuya Harold. 

"Si Shane!!! Dahil sa kanya ay hindi na kita nakakasama. Hindi na rin kita nakakausap. At dahil sa kanya ay pakiramdam ko'y nag-iisa ako at walang kaibigan! Siya ang dahilan Kuya kung bakit ako nagkakaganito!" paglalabas ko ng sama ng loob at hindi ko rin naiwasang hindi mapaluha. Pagkatapos kong magsalita ay nakita ko ang reaksyon ni Kuya Harold. Nakita kong nakangiti ito at tila hindi nainis sa aking sinabi. 

"Nagseselos ka ba tol?" nakangiting wika ni Kuya Harold at katulad kanina'y tinitigan ako nito. At dahil sa sobrang hiya ko sa aking sinabi at pakiramdam ko'y nainsulto at nangliit ako sa kanyang pagtingin kaya hindi ko nagawang sagutin ang kanyang tanong bagkus ay tumakbo akong lumuluha at iniwan siyang nag-iisa.

Nung mapagod ako sa pagtakbo ay namalayan ko nalang ang aking sarili sa bukid na paborito naming pagtambayan ni Kuya Harold. Umupo ako at namahinga sa lilim ng puno. Hindi pa rin ako tumitigil sa pag-iyak. 

"Ang daya-daya mo Kuya Harold!!! Sabi mo eh lagi tayong magkasama at hindi mo ako iiwan. Sinungaling ka pala! Wala kang isang salita! Katulad ka rin pala ng iba kong kaibigan na nangiiwan sa ere! Nakakainis ka Kuya! Dumating lang sa buhay mo yung lecheng Shane na yun eh tila nakalimutan mo na ako. Ang sabi mo pa nga sa akin noon na ako lang ang baby boy mo kaya po-protektahan at aalagaan mo ako. Wala kang kwenta Kuya Harolddd!" pagsasalita kong mag-isa at sinusuntok at tinatadyakan pa ang puno na para bang si Kuya Harold ito. 

Maya-maya ay bigla akong nagulat nang biglang may nagsalita. 

"Sabi ko na nga ba eh. Dito lang kita matatagpuan." nakangiting wika ni Kuya Harold sabay lapit sa akin at umupo na rin. 

"Bakit ka ba nagseselos kay Shane tol?" tanong nito sa akin sabay tingin sa akin at ipinatong niya ang kanyang kamay sa aking balikat sabay hinawakan niya ang aking ulo upang pasandalin ito sa matipuno niyang balikat. At ginawa ko naman ito. Isinandal ko ang aking ulo sa kanyang balikat at niyakap ko rin ito tulad nang ginagawa ko noon. Habang nakasandal ang aking ulo sa kanyang balikat ay nakatingin ako sa malayo. Pilit kong tinatanaw ang mga ibon na malayang lumilipad. Mga ibon na walang ibang iniisip. Mga ibon na hindi hinuhusgahan. Hindi tulad ng mga tao.Mapanghusga at mapang-api. Sana isang ibon nalang ako para malaya kong nagagawa ang mga bagay na gusto ko ngunit sa katayuan kong ito para nga akong isang ibon ngunit nasa hawla naman at hindi makalipad. Hindi maipahayag ang gustong sabihin. Ngayon alam ko na sa aking sarili kung sino at ano ako. Ngayon alam ko na malaya na ako, ngunit natatakot akong ikampay ang aking mga pakpak dahil sa pangambang matamaan ako ng bala. Natatakot akong magpakatotoo dahil hindi ko alam ang sasabihin ng iba kapag nalaman nila kung sino talaga ako. 

"Wala ka namang dapat ipagselos kay Shane tol.Dahil magkaiba kayo. Si Shane siya yung babaeng pupuno sa aking pagkalalake. Siya yung babaeng gusto kong mapangasawa at magkaroon ng sariling pamilya. Pero ikaw tol. Nag-iisa ka lang. Dito, dito sa puso ko. Walang makakapalit sa pwesto mo dito. Maaaring may mga taong dumating sa buhay ko pero hindi nila maaalis yung parte mo sa aking puso. Dahil mahal kita tol eh. Mahal na mahal." litanya ni Kuya at biglang napatigil dahil siya ay napahikbi. Hindi ko naman maiwasang sumaya sa kanyang sinabi at lalong lalo na sa sinabi nitong "Mahal na mahal kita tol eh." 

"Mahal kita tol dahil ikaw ang nagbigay pag-asa sa akin na magkaroon ng isang kapatid." pagtutuloy nito sa naudlot niyang pagku-kwento. Hindi ko naman maiwasang bawiin agad ang saya at ngiti sa aking mukha nang madinig ko ang pagpapatuloy ng pagku-kwento nito. Mahal niya lang pala ako bilang isang kaibigan. Bilang isang kapatid, yun lang at wala ng iba pa.

Kung kanina'y desidido na sana akong sabihin sa kanya ang tunay kong pagkatao ngunit bigla itong napalitan ng takot. Takot na baka hindi niya ako tanggapin. Takot na baka masira ang aming pagkakaibigan at takot na baka isa rin siya sa mga taong mapanghusga at mapang-api. 

"Okay ka na ba tol? Okay na ba tayo? Hindi ka na magseselos kay Shane?" tanong nito sa akin. At syempre dahil bigla akong nakaramdam ng takot kaya tumango nalang ako sa mga sinabi niya. 

"Halika na tol, umuwi na tayo. Nagugutom na ako eh. Ang drama kasi ng bunso ko eh." wika ni Kuya Harold sabay punas niya sa aking mata, sabay tumayo ito at ginulo ang aking buhok. Sumunod rin ako sa kanya at tuluyan na kaming umuwi sa kanya-kanya naming bahay.

Pagkauwi ko ng bahay ay naabutan kong nag-aantay ang matalik kong kaibigan na si Romeo. Nakita ko itong nagbabasa ng libro at nung makita niya ako ay nagtitili ito na para bang walang sakit. 

"Bessstyyy! I miss you na!" saad nito at batid sa kanyang mukha ang saya nang makita ako.

"OA ha! Kahapon lang eh magkasama tayo tapos miss mo na agad ako. Tsaka isa pa may sakit ka diba? Ba't ganyan ka makaasta? Nako Besty magpa-injection ka na habang maaga. Madami ang nababaliw ngayon dahil sa ipinagbabawal na gamot!" pagbibiro ko dito. 

"Choserang to! Kaya lang naman ako naparito dahil ibibigay ko sana sayo yung niluto ni Mama na paborito mong ginataang bilo bilo!" sambit nito na nagpatakam sa akin. 

"Eh nasaan na?" pagtatanong ko nung mapansin kong wala siyang hawak. 

"Ah...Eh... Wala na eh!" mahiya-hiyang ani nito. 

"Bakit? Saan naman napunta at sino naman ang kumain?" saad ko. 

"Hmmm kasi ibinigay ko kay Papa Paulo! Ang gwapo gwapo niya talaga Besty! Nung iabot ko nga sa kanya yun eh kinindatan ako at para bang magik na nawala yung sakit ko. Hahaha!" kinikilig na pagkukwento ni Romeo at hinaluan pa ng nakakaloko niyang pagtawa.  

"Isa lang masasabi ko sayo Besty. Malandi ka! Imbes na ako yung binusog mo eh sa iba mo pinakain. Kakaiba ka talaga. Hahaha!" pagbibiro ko at nagpatuloy pa rin ang aming kuwentuhan. At hindi namin namalayan na inabot na pala kami ng gabi sa aming pagkukwentuhan. 

"Besty kung papipiliin ka sino ang mas magaling kumanta? Si Sarah G o si Regine Velasquez?" pagtatanong ni Romeo ngunit hindi ko sinagot dahil alam ko ang tungkol saan ang mga tanong na iyon. 

"Ay Besty ang dumi naman ng kuko mo!" ani ni Romeo ngunit katulad kanina ay hindi ko ito pinansin. 

"Tignan mo yung siko mo Besty, ang itim. Hahaha!" sambit ni Romeo sabay tawa. 

"Hindi mo na kailangan itanong at gawin ang mga bagay na iyan Besty. Dahil alam ko na kung sino at ano talaga ako. Hindi mo na ako kailangang paaminin kung sino’t ano talaga ang tunay kong pagkatao, dahil alam ko na sa aking sarili at tanggap ko na ang lahat.” 

Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento