Mga Pahina

Martes, Mayo 5, 2015

Tanikala 2 "Litrato"



Chapter 2 "Litrato"
“Have enough courage to trust love one more time and always one more time.” ― Maya Angelou
***
"MATTHEEEEWWW!" sigaw ko at bigla akong nagising sa isang masamang panaginip. Ramdam ko pa rin ang kaba, takot at lungkot na idinulot ng panaginip na iyon. Ramdam ko rin ang mainit na pawis na unting unting tumutulo sa aking mukha. Hindi ko rin naiwasan ang mapaiyak dahil akala ko'y totoo ang lahat ng nangyari. Buong gabi ay hindi ako nakatulog at walang tigil sa kakahugulgol ngunit nang napagtanto kong mukha akong tanga dahil hindi naman totoo ang aking panaginip ay agad kong pinunasan ang namumugto kong mata at bumalik sa kama. Ngunit nung nasa kama na ako ay hindi ako dalawin ng antok dahil sa takot na mapaniginipan kong muli iyon, kaya't ang aking ginawa ay binuksan ko ang aking laptop at tinignan ko ang mga litrato naming magkasama at masaya. Sa bawat litratong aking tinitignan ay hindi ko naiwasan ang magbalik tanaw...

July 13, 1995 noong ipinanganak ako. Laking tuwa ng aking mga magulang dahil lumaki akong malusog, magalang, mabait at higit sa lahat ay na mana ko raw sa aking lolo ang pagiging magandang lalaki. Ngunit sa kabila ng magagandang katangiang ibinigay sa akin ng poong may kapal ay may kapintasan pa rin sa akin. Limang taon ako noon ng maramdaman ko na parang iba ako sa mga lalaking kalaro ko. Mahilig sila sa mga laruang gaya ng kotse-kotsehan at baril-barilan samantalang ako ay mas kinahiligan ang mga larong pangbabae katulad ng chinese garter, piko, nanay tatay, paper dolls bahay-bahayan at marami pang iba. Kahit alam kong magagalit si Papa kapag nalaman niyang nakikipaglaro sa babae ay ipinagpatuloy ko pa rin iyon dahil alam kong doon ako masaya, doon ko nararamdaman kung sino ako at kung ano ako, ngunit nagbago ang lahat maging ang aking pagkatao noong magsimula akong mag-aral ng elementarya. Kapag nakikita kasi ako ng aking mga lalaking kaklase na lalambot lambot o di kaya'y pumipilantik ang aking kamay ay sinasabihan nila ako ng masasakit na salita katulad ng "Ay Bakla, bakla, bakla. Saloooot!!!" o di kaya'y "Sirena hahaha! Lampa na bading pa! Hahaha!" at sabay sabay nila akong pagtatawanan at kung minsan ay babatuhin ng lukot lukot na papel. Hindi ko alam kung bakit nila iyon ginagawa sa akin samantalang wala naman akong ginagawang masama. At kapag inuumpisahan na nila akong asarin, pagtawanan at pagbabatuhin ng mga lukot na papel ay wala akong ibang ginawa kundi ang maupo at umiyak. Ang pakiramdam ko noon ay ibang iba ako sa kanila at isang pagkakamali ang pagkakabuhay ko. Ngunit nawala ang lahat ng pang-aasar, tawanan at pangbabato ng papel sa akin nung may nagtanggol sa akin, at iyon ay walang iba kundi si Harold. Takot ang lahat ng estudyante sa kanya dahil matangkad ito at paniguradong bugbog sarado ang haharang sa kanya.

"Huwag ka kasing lalampa lampa! Lumaban ka! Ipakita mong kaya mo sila." pagsasalita nito sabay tinulungan akong tumayo. Simula nang makilala ko si Harold ay lagi na kaming magkasama. Sa pagkain, sa klase, sa paggala at kung ano ano pa. Malaki rin ang nagbago sa aking pagkatao nung makilala ko si Harold. Mas naging matapang ako. Naging kilos lalaki at kung minsan nga ay napapatawag ang aking mga magulang sa guidance dahil nakikipag-away ako. Simula rin ng makilala ko si Harold ay isiniksik ko sa aking sarili kokote na lalaki ako at hindi na muling maaapi pa. Oo alam kong madami ang nagbago sa aking pagkatao at naitama ko na ang aking sarili pero bakit ganito? Bakit pakiramdam ko'y kulang ako? Bakit pakiramdam ko'y hindi ako masaya sa aking panibagong pagkatao?

Mabilis na lumipas ang panahon at tumuntong na kami ni Harold ng highschool. As usual ganoon pa rin ang takbo ng buhay. Si Harold pa rin ang kinakatakutan. Nung mga panahong ring iyon ay masasabi kong sanggang dikit ko si Harold, sa katunayan nga ay sinabi niya sa akin na kung maaari ay "Kuya" ang itawag ko sa kanya dahil matagal na raw siyang naghahangad ng lalaking kapatid. Tinanggap ko ang inalok na iyon ni Kuya Harold dahil nangungulila rin ako sa kapatid. Halos araw araw ay magkasama kami ni Kuya Harold, kung minsan pa nga'y sa bahay siya nakikitulog o di kaya'y sa bahay nila ako nakikitulog. At bago matutulog kami niyan ay lagi kaming nagku-kwentuhan ng kung ano-ano.

Isang gabi ay sa bahay namin siya natulog at siyempre magkatabi kami dahil iisa lang ang aking kama. At katulad ng dati naming ginagawa ay nagku-kwentuhan kami hanggang sa kami'y antukin.

"Tol ano ba ang pangarap mo sa buhay?" pagbubukas niya ng usapan. Bago ko sagutin ang tanong niyang iyon ay tumagilid muna ako paharap sa kanya at dahil masikip at maliit ang kama ay yumakap ako sa kanya. At syempre wala iyong malisya sa kanya ngunit sa akin ay may konting kilig bagamat nilalabanan ko iyon.

Nagkunwari muna akong nag-iisip bago sumagot. "Hhmmm... Gusto kong maging guro Kuya." sagot ko sa kanyang sagot. Nakatingin lang ito sa akin at biglang nagtaas ng kilay.

"Pang-bading naman iyon Tol eh..." sambit nito sa akin at bahagya akong nasaktan dahil sa pagkakabanggit niya ng salitang bading. Pakiramdam ko'y parang may biglang tumusok tusok sa aking puso. Ngunit mabilis kong iwinaglit ang aking nararamdaman.

Agad akong nag-isip ng panibago at sinabi ko kaagad iyon.

"Ahh Ehh Nurse nalang kuya..." sambit ko ngunit katulad kanina ay nakaas pa rin ang kilay ni Kuya Harold at tila hindi nagustuhan ang aking isinagot.

"Pang-bading pa rin iyon tol eh... Ang mga babae lang dapat ang mga gumagawa ng mga bagay na pinapangarap mo tol. Hindi bagay sayo yun." pagsalungat pa rin ni Kuya sa aking isinagot.

"Eh ano bang bagay sa'kin kuya?" tanong ko rito at mabilis na sumagot.

"Pulis tol. Pulis ang bagay sayo. Tignan mo nga ang sarili mo. Ang gwapo mo. Maputi ka at konting work out lang ay gaganda na iyang katawan mo. Paniguradong madaming maghahabol na chiks sayo." sagot nito sa aking tanong ngunit pakiramdam ko'y hindi ako bagay sa ganoong trabaho.

"Hindi ko ata kaya ang ipinapangarap sa akin ni Kuya." sa isip isip ko.

"Eh Kuya... Hindi naman ako nababagay doon eh. Diba sabi nga nila kung saan ka masaya doon ka? Bakit ko ipipilit iyon kung mararamdaman ko namang hindi ko gusto o hindi ako masaya sa ginagawa ko di'ba?" litanya ko sa kanya at pakiramdam ko'y biglang bumanda ang aking sinabi sa akin dahil heto ako ngayon, lalaking lalaki at hindi mapagkakamalang may dugong berde pero ang tanong, masaya ba ako?

"Eh basta. Iyon ang gusto ko para sayo tol..." pagsusumamo niya sa akin. Tumango nalang ako bilang tugon ngunit hindi ako sumang-ayon sa gusto niya. Maya-maya ay biglang nag-iba ang aming usapan at natuon ang aming pagku-kwentuhan sa mga babaeng nagugustuhan namin.

"Alam mo tol... Gusto ko si Shane. Bukod sa maganda kasi ito ay mabait at matalino pa. Balak ko nga siyang ligawan eh." pagku-kwento ni Kuya Harold na tila kinikilig. Pero bigla akong nakaramdam ng sibat na tumusok sa aking puso ng malaman iyon. Ewan ko ba kung bakit may kakaiba akong nararamdaman at para bang naiinis at nagseselos ako.

Nanatili lang akong tahimik at pinakikinggan siyang magkuwento. Pero bigla niya akong tinanong na agad ko namang ikinabigla...
"Ikaw tol? Sino ang gusto mo sa mga ka-klase natin?" tanong nito sa akin na nagpaurong sa aking dila. Hindi ako makasagot. Hindi ko alam ang aking sasabihin. Sino nga ba ang gusto ko? Babae ba o hanggang ngayon ay sa lalaki pa rin ako humahanga? Naguguluhan ako at hanggang ngayon ay nalilito sa aking pagkatao. Sino nga ba ako? Ano ba talaga ako?
"A-ah E-eh hindi ko muna iniisip ang mga bagay na iyan Kuya." sagot ko sa kanya sabay talikod upang hindi niya mapansing naiilang ako sa mga tanong niya.
 Itutuloy...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento